plis lang, sa pinas ako ililibing
sorry sa mga nakabasa nito, dahil kayo ang may responsableng maging totoo ang aking huling paalam
kapag hindi yan natuloy, ehem.. abangan ang susunod na kabanata, hahaha. ayoko kasi ng turuan, ng iwanan sa ere at ng sabunutan dahil wala akong iniwang pasabi.
heniway, sinabi ko na yan kay kengkoy, at inulit ulit ko pa sa kanya. sa pinas ako ililibing. at kung masyadong mahal pamasahe ko dahil asa karton na ako (nakow, kahit sa balikbayan box, hahaha), pwede rin akong sunugin pero gusto ko ng may lamay. huwag masyadong mahal ang huling box na kalalagyan ko, basta matibay lang at hindi sa isang pala lang ng lupa ay bibigay agad.
at sa lamay na yon, gusto ko may videoke, gusto ko may bottomless drinks at salad bar at saka sisig, yum-yum. walang sakla, pero pwede kayong mag card games at bingo, wahahaha.
atsaka sa libing ko, gusto ko lahat ng taong darating may dalang white roses, kung saan yon ang itatapon sa hukay. at gusto ko may biruan, yung tipong parang may mahuhulog sa hukay, hehehe.. pero dapat hindi totoong mahulog kasi baka matapakan ako, kawawa naman si katawan ko.
sinabi ko kay kengkoy ang tradisyon sa atin kapag may namatay — yung may lamay, yung may pagkain at inumin, yung 24 hours bukas yung chapel o kaya asa bahay yung bangkay, yung tipong darating ang mga taong ang tagal ng di nakikita, yung nagkakabati ang mga magkaka-away, may mga palaruan, may mga inuman, may mga walang katapusang kwentuhan atsaka, hindi naiiwan ang mga naulila na mag isa.
alam nyo kung ano ang sabi nya? gusto daw nyang makaranas ng ganun. parang party daw. pero parang mas maganda.
dahil sa totoo lang, na culture shock ako sa mga pangyayari nitong mga nakaraang araw. ibang iba sila.
kinuha ang bangkay. dumating ang funeral parlor nung gabing iyon din. pinapili si opa, ang dating sundalo, kung anong gusto para kay oma, yung coffin, yung damit, yung blanket. tapos kinuha si oma. actually, ayaw pa ni opa na ibigay si oma kasi gusto pa nyang matulog sa tabi nito…
kinabukasan busy na kami. inayos yung obit sa diyaryo, yung araw ng libing (dito kasi ang city hall ang nagbibigay ng date), nagpaprint kami ng card na ipapadala sa mga kaibigang malayo sa amin at pinadala agad sa post office, dumating ang pari na magmimisa (nag interview ng tungkol kay oma para sa kanyang memorial service), nagkaron ng problema sa date para sa pari at sa araw ng libing (e kasi naman hindi nagtatanong),
at nagkaron ng problema sa cemetery plot dahil ang city hall e pinipilit kaming mag decide na i give up yung cemetery plot nung tatay at nanay ni oma dahil gusto nilang baguhin ang itsura ng cementeryo (lintek na mga aleman ito, nakita na ngang in grief ang pamilya e gusto pa kaming gaguhin, kasi sempre dahil naglulupasay ka pa sa iyak e pwede ka nilang papirmahin na lang), at sempre kabi kabilang tawagan sa telepono sa mga nalalapit na kamag anak at yung sis in law ko at ang kanyang asawa ay nakabakasyon at yung sister ni opa ay kasasakay lang ng bus para magbakasyon din at walang binigay na telepono kung papano sya mahahagilap.
at sempre, naiwan magisa si opa sa bahay matapos kunin si oma nung gabing iyon, alam nyo yon… kung sa atin yan, hindi maiiwan magisa si opa. pero dahil dito, naniniwala silang kaya ni opa yon… ayun. pero madaling araw na nung iniwan sya magisa at nakainom din ng tabletang pampakalma. pagod na pagod na kasi lahat talaga. kahit nga ako na naiwan sa bahay, hindi rin ako nakatulog e.
tapos nung umaga na, ayan, nalaman naming natumba rin si opa sa banyo. hindi ko alam kung gaano ka grabe ang pagkatumba nya pero huli na ang pag sisisi —
aalis na kami, bibisitahin si opa at may pamisa din… hanggang sa sunod na kwento na lang