Kwentong Kengkay

Oktubre 9, 2008

What made you decide to work abroad?

Filed under: Ano Nga Ulit Yon?,Hmmmm,Kaibigan,Mabuhay ang Pinoy,Paki Lang,Pinas,Seryus — kengkay @ 7:24 umaga

Tanong ni Reyna Elena:

“What made you decide to work abroad and where?

Hindi ako ang nagdesisyon, yung dati kong boss. Dati akong writer/editor ng isang publication firm sa may Maynila. Marami silang magazines na ginagawa sa Maynila at may tourist magazine din ang aking bossing sa Thailand kung saan talaga sya naka-base. Sabi nya isang araw, ‘o Kengkay, napag-isipan kong dalhin din kita sa Thailand.’

Or, what made you decide to leave the Philippines

Kaya naman ako nag-OO ng hindi nagtatanong kung anong daratnan ko sa Thailand, kung anong dapat kong malaman at hindi malaman, kung magkano sweldo ko, kung saan ako titira, etc — ay para makalimutan ko ang aking soul mate na bumiyak ng puso ko na nagta-trabaho din sa mismong building kung saan andun ang publikasyon. Small world talaga minsan, tsk tsk. Ayaw ko ng linisin ang mga patak ng dugo kapag nagkakasalubong kami sa corridor, aguy :D

Pero sempre, andun na rin yung libreng adventure. Imagine, mag abroad ka nga. Sempre ikaw bayaw ng ticket mo, ng hotel mo, etc. Pero kapag job offer, kapag swerte ka, kasama na lahat yon. Sa huli ko na naisip na oo nga ano, may pera din pala kapag nag-abroad ako. Pero hindi ko nga inusyoso ang sweldo ko at ang mga arrangements ko di ba?

Mabuti na lang at hindi kasi disappointing ang datung. Muntik na akong maglugmok sa shock nung malaman ko kung magkano ang sweldo ko. Mas mayaman pa ako sa pag freelance ko sa Maynila, waaaa. Pero kasi libre naman ang bahay at kuryente at tubig — at walking distance lang ang opis sa apartment, pwede na rin plus mura ang mag grocery, mag shopping, tumambay sa mga bars at kumain sa mga karinderya. Ang naging dahilan kung bakit nalimutan kong karampot lang ang sweldo ko ay dahil libre akong gumagala sa buong Thailand at naka hotel pa si ako, sempre. Kasi nga, writer/editor ng tourist magazine, daming perks.

Yun nga lang, ang pamilya ko sa Pinas, akala yata nila e sumusuka ako ng pera nung asa Thailand ako. Kasi nga, abroad e. Akala nila kapag humingi sila ng pera e maraming akong extrang iaabot sa kanila. Hindi nila alam e minsan nilagang mais lang ang pagkain ko dahil kailangan nila ng pera sa Pinas. At minsan naglalakad ako ng dalawang oras dahil wala na akong pamasahe dahil pinadala ko na yung sweldo ko pang tuition. At karamihan e nangangatok ako sa mga kaibigan ko dahil wa na laman bulsa ko, sumasakit na tyan ko sa gutom, at halos mawalan na ako ng ulirat dahil hindi ko na alam ang gagawin ko.

Pero sempre, ipapa-alam mo ba yon sa kanila? Hindi ano. Kapag umuwi ka ng Pinas ikaskas ko rin yung credit card ko to da limit para lang hindi sila mapahiya na yung galing sa abroad nilang anak e isang kahig isang tuka lang pala. Sempre, ang bakasyon sa Pinas ang highlight ng aking pag abroad kaya dapat masaya. Kaya pagbalik ko sa Thailand, tipid na naman — nilagang mais ulit! Pero wala sa akin yon, basta okay lang ang pamilya ko sa Pinas kasi naisip ko, kapag natapos sila, sila naman ang taya.

At sempre, maganda rin naman naging desisyon kong umalis ng Pinas dahil sa Thailand ko nakilala si Kengkoy.

and do you still intend to go back and why?

Sa ngayon, nagbabakasyon kami every two years; dahil gusto ko rin namang makalibot din sa Oyropa in between. Babalik kami sa Pinas. Kung ibibigay ng tadhana, sana sa lalong madaling panahon. Sana maayos yung aming nililigawang bizness para matupad ang aming pangarap na sa Pinas na maglagi.

Bakit kanyo? Kasi mas masarap po sa Pinas kahit anong news pa ang naririnig namin tungkol sa kanya. At hindi lang ako ang nagsasabi nyan, pati si Kengkoy. At alam ninyo? Tama naman si kengkoy e. At ang mga little kengkays? Mas gusto rin nila sa Pinas kasi daw kapag asa Pinas sila pwede silang maglikot sa sasakyan ng hindi naka strap sa kanilang car seats. Atsaka marami silang kalaro. Atsaka pwede silang maligo sa ulan. Atsaka magkakaron sila ng tagaligpit at  tagalinis ng kwarto nila, sa ngayon kasi e yun ang kanilang gawain, hehe.

FINAL QUESTION: Are you happy where you are now?”

Kung nasaan ang pamilya ko, happy ako. Pero dahil may pamilya rin ako sa Pinas… e kaya nga balak namin sa Pinas na maglagi, di ba?

Setyembre 6, 2008

hanu ba

Filed under: Kwentong Bulilit,Kwentong Nanay,Paki Lang — kengkay @ 1:54 hapon

pagbigyan ko na nga yung tag ni sonnet at ni lambing at baka matambakan na naman ako ng tag

lumabas na itong mga pechurs na ito dun sa aking nanay blog, pero ulitin ko dito. mag post daw ng pechurs at ng katapat na poem. so eto na ang pechurs at basahin ang mga kasunod na poems ala kengkay…

mama, mama
cute ba?
mama, mama
eto pang isa
mama, mama
hala ka,
sabay na!

nyaaaa :D

Setyembre 5, 2008

donasyon sa timba

Filed under: Ano Nga Ulit Yon?,Duon sa Amin,Europe,Kwentong Bulilit,Paki Lang — kengkay @ 6:54 umaga
Tags:

kapag magpapalit na ang panahon dito sa alemanya, nagdaratingan na ang mga timba o minsan ay plastik bag na nagsasabing kailangan ng donasyon para sa mga kapwa natin na nangangailangan ng damit, blanket, sapatos at kung ano pang pwedeng ipamigay.

darating sa umaga ang mga timba na yan at iiwan sa mga harapan ng bawat bahay. kung plastic bag naman, isiksik lang nila dun sa mail box yun. nakalagay dun sa timba at dun sa plastik bag kung kelan ulit nila kukunin.

naisip ko lang, kapag sa pinas yan, am sure wala na silang babalikan na timba, hehehe.

karamihan, punong puno ang mga timba at plastik bag na yan kapag araw na ng pick up. minsan pa nga may extra pang bag.

yang mga na kolekta na yan e supposed to be, supposed to be ha, mapupunta sa mga nangangailangan kung saan mang parte ng mundo.

pero minsan, may isang tv documentary dito na pinakita kung saan napupunta ang mga ito — sa mga second hand stores sa afrika at asya. oo, binebenta sila sa ukay ukay! as in.

kaya naman itong si kengkoy, walang gana yan na punuin ang mga iyan. at dahil na rin sa napanood ko, ayaw ko na rin. kaya ang ginagawa namin ngayon, pinapadala namin ang mga gamit na yan sa balikbayan box sa Pinas, at dun pwedeng mamiyesta ang mga kababayan natin.

Nung huling uwi namin, dito namin sila dinala. Sa Bahay Kalinga. Ibang klase, basta, ibang klase ang feeling. Pati ang mga little kengkays, nabukas ang isip nila. Ngayon kapag meron silang damit na masikip na, sasabihin agad nila para na yon sa mga bata sa Bahay Kalinga. At karamihan sa mga laruan nilang pinag sawaan na, nakalagay na sa box, papunta ng Pinas. Pasko na di ba?

Bahay Kalinga
In front of Barangay Hall, Don Pedro Reyes Avenue, Victoria Homes Subdivision, Muntinlupa City, Metro Manila, Philippines
Tel No. 382-1784

Setyembre 2, 2008

bakit sila ganun?

Filed under: Ano Nga Ulit Yon?,Duon sa Amin,Paki Lang,Pinas,Seryus — kengkay @ 12:02 hapon

kapag walo kayong magkakapatid na lahat e mga malalaki na at mga wala namang sakit, tapos ang tatay nyo e matanda na, mga 63 years old ba; sa tingin, sino ang dapat mag trabaho?

edi sempre, ang tatay na 63 years old.

kahit na sabihin pang hanggang grade three lang tinapos ni tatay, sya pa rin dapat mag trabaho para sa buong pamilya. okay, may mga tumulong din, mga dalawang anak yata.

kasi yung mga anak ni tatay na walo e hindi nakapag-aral. kahit pa binigyan silang lahat na magkakapatid ng kung sinong mabait na tao ng iskolaship.

oo, may iskolaship silang tinanggap. pero anong ginawa nila?

wala po. kasi po wala daw silang pamasahe papunta dun sa iskwelahan, wala silang pang baon — anak ng putchamos naman – ang daming dahilan.

bakit kaya hindi na lang nila sabihin na wala silang paki-alam sa edukasyon at sa magiging future nila dahil umaasa sila kay tatay na grade three lang ang tinapos? hindi man lang nila kinuha ang oportunidad na i-ahon si tatay nila sa kahirapan, at yung nanay nilang may sakit, pagkakataon na para maipagamot.

kasi wala silang pamasahe papunta sa iskwela, kasi wala silang pang baon. ang babaw naman mga chong!

sa akin kasi, kung gusto mong tulungan ang sarili mo at ang pamilya mo, gagawa at gagawa ka ng paraan. sino kaya sa atin ang naghahanap ng iskolarship pero walang makuha? sayang lang yung binigay sa inyong iskolaship, kakainis kayo, hmpf!

pwede naman sigurong makiusap para dun ka ipasok sa eskwelahan na malapit sa inyo di ba? para lakad na lang. at pwede rin sigurong humingi ka ng trabaho dun sa nagbigay ng iskolarship, alam mo yun, yung tipong maglalaba ako isang araw sa isang linggo, magiigib ng tubig, maglalako ng paninda, mag-kokolekta ng diyaryo at bakal, mga ganun ba…pwede nga minsan nalakarin papunta sa eskwela kung gusto mo talaga. pero kung tamad ka. ay, kawawa naman ang nanay at tatay mo, at mas nakaka-awa kayong magkakapatid. pathetic! o ngayong patay na si tatay at may sakit pa rin si nanay nyo? ano na gagawin ninyo?

edi magmaka-awa ulit para sa tulong. edi magturuan. panay laway na naman. sa totoo lang, tumingin kayo sa inyong paligid, andyan kaso sa gusot na iyan dahil umasa kayo sa kawawang tatay ninyo. tingnan ninyo ang sarili ninyo, asa inyo ang sagot — at kung bulag na kayo sa katotohanan, kawawa naman kayo.

kawawa din si kengkay kasi pinasakit nyo lang ulo ko. at oo, meron akong nabasa kahapon sa isa sa mga balitang pinas kung bakit ako nag-eemote ng ganito ngayon.

kung si kengkay nga, nung asa bangkok ako, akala rin yata nung mga umaasa sa akin e sarap ng buhay ko dun. ang yaman ko. ang dami kong pera. op kors, ang dami kong pera, feeling mayaman ako. pero isang araw lang yun sa isang buwan, kasi halos buong pera ko pinapadala ko sa pinas. kapag ubos na ang budget ko para sa akin? naglalakad na ako, minsan isang oras ako maglalakad para lang maka uwi sa bahay ko. at sa pagkain? nilagang mais na lang dun sa kanto. limang piso lang isa, at sempre, magbabaon ako ng tubig galing sa opis namin, kasi wala na rin akong pambili ng tubig ko.

nagsakripisyo ako nuon, pero tapos na yon, kasi may hangganan dapat ang lahat, dapat matuto rin silang tumayo sa sarili nilang sikap. maging maparaan tayo, lalo pat buhay ninyo, buhay ng mga nagmamahal sa inyo ang na-aapektuhan.

pero kung antay lang kayo ng antay, ng padala, ng charity — hay walang buhay na ganun. ano ba. gising! kainis, hmpf. alam nyo kaya kung sino at anong balita itong tinutukoy ko? kung alam nyo, mali ba ako?

Agosto 29, 2008

OFW Suicide Nga Ba?

Filed under: Duon sa Amin,Paki Lang,Pinas — kengkay @ 7:14 hapon

Mahilig akong dumalaw sa inquirer.net bago ako matulog, pero kagabi medyo hindi ako nakatulog dahil dun sa nabasa kong istorya tapos napanood ko pa yung video..

Yung tungkol ba sa istorya ng isang OFW na sinabing nag suicide daw dahil tumalon daw sa isang building sa Abu Dhabi mantalang ang nakita sa katawan nya nung dinala na sa Pinas ay ‘

Milo’s remains arrived in Manila on August 19. Anita Milo-Macalintal, Milo’s aunt who raised her, said Milo’s body bore strangulation marks on her neck, and stab wounds on her chest and legs.

“Her mouth seemed punched in and her genitalia were swollen,” Macalintal said.

Alam nyo yun, yung tipong siguradong isa lang yan sa mga ganyang nakakalungkot na istorya ng mga OFWs natin. Mas marami pang mas malala. Pero kahit na.

Yun tipong, aalis ka ng Pinas para magbali ng katawan para di magutom yung mga naiwan sa Pinas. Yung tipong aalis ka ng Pinas at iiwan yung mga mahal mo sa buhay, yung pagkaing sarap na sarap ka, yung buhay na nakasanayan mo, yung makikipagbakbakan ka sa isang kulturang ibang iba sa kinagisnan mo, yung iiyak ka dahil homesick na homesick ka, yung tipong ang taas ng pangarap mo para sa mga naiwan sa Pinas mantalang alam mo namang isa ka lang aba sa hiram na bansang tinutungtungan mo… Tapos hindi mo alam, hindi alam ng buong pamilya mo, ng mga kaibiga mo… isang araw uuwi ka na lang ng wala ng buhay.

Alam mo yun, yung tipong uuwi ka na lang ng hindi ka man lang nakakapag-paalam. Yung uuwi ka na lang ng ganun pa rin ang kahihitnatnan ng mga gusto mong bigyan ng bagong buhay. Yung wala ka ng magawa kasi naiwan mo na sila ng tuluyan talaga. Alam mo yun?

Naiyak pa ako kasi napnood ko yung nanay nung OFW nagsalita pa, hindi ko alam kung para kanino yung mga pananalita nya kasi meron pang prompter sa background nya, na tipong pinapa-alala pa kung ano dapat nyang sabihin; pero kahit na, alam nyo yun? Yung tipong wala na ngang ngipin yung nanay nya, ibig sabihin, talagang walang pera para kahit man lang sa pustiso — tapos 300 pesos lang daw ang binigay nung recruitment agency para sunduin yung bangkay ng anak nya. Ano ba namang klase yon?

Hindi ko alam kung Pinoy ang may ari ng recruitment agency na yon, Bright International Manpower, pero naku naman, pwede ba, kung magbibigay kayo ng trabaho sa mga umaasang kapwa ninyo Pinoy.. sana namang buong tulong ang gawin ninyo. Hindi yung sa bandang huli e iwanan na sa ere. Imagine, bigyan nyo yung nanay nung patay ng tatlong daang piso para sunduin yung anak nya sa airport na isang bangkay na?

Magkaron naman kayo ng puso, mga recruitment agencies. Maawa naman kayo sa mga taong umasa sa inyo. Sigurado ko, nung nag apply pa lang si Evelyn e makikita sa kanya ang sigla dahil may pag asa ng magbago ang buhay nila. Ngayon, nawala na ang sigla. Wala na rin kayo bigla. Wag sana masilaw ang mga recruitment agencies sa pera, unahin sana nila ang magiging tao nila.

Ayoko ng ganyan, sumasakit ulo ko.

Para kay Evelyn Milo, may your soul rest in peace. Para sa pamilya ni Evelyn, tatagan nyo ang inyong kalooban at maniwala kayo sa May Kapal. Sigurado kong may kasagutan ang lahat ng yan.

Eto ang buong istorya

Bagong Pahina »

Theme: Rubric. Sumulat ng Blog sa WordPress.com.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 64 other followers