Kwentong Kengkay

Enero 8, 2009

kahit mahirap lang

Filed under: Seryus — kengkay @ 11:35 umaga

ang headline…

german billionaire killed himself plus other prominent suicides

hindi ko sila maintindihan.

bakit sila magpapakamatay?

dahil lang sa pera?

mabuti pa tayong hindi milyonaryo, bilyonario at trilyonario.. oks lang kapag walang pera.

sanay kasi tayo e.

pano silang sanay na maraming pera?

konting iba ng simoy ng hangin, bumibigay na agad.

hindi man lang nila inisip yung mga taong iniwan nila.

takot ba responsibilidad? o bumigay na lang ang utak?

maging matapang, lalo na kung akala mo ay pasan mo ang mundo. dahil sa totoo lang, hindi lang ikaw ang may pasan ng mundo, marami tayo. yun nga lang, may ibat ibang diskarte ang mga tao.

may kakilala ako, hindi naman sya close. pero isang business associate dito sa alemanya. parating dumadalaw sa bahay. kilala kaming lahat, pati mga little kengkays. isang araw dumating yung pinaka-boss sa amin. wala na daw yung tao. nagpakamatay daw.

iba ang dating kapag suicide ang kinamatay, sa totoo lang. hindi kapanipaniwala. ilang buwan naming pinagusapan. bakit kaya. maraming haka haka. masayahing tao yun. kalmado magisip. mahal nya ang pamilya nya, espesyal sa kanya ang anak nya. bata pa rin sya. bakit kaya sya bumigay? kapag naiisip ko sya, parating nagtatanong pa rin ako. siguradong nagtatanong din ang naiwan nyang pamilya.

ako basta walang wala na talaga? paitaas na ang tingin ko. dasal. yun ang sagot ko.

sabi nga ng tatay ko, kahit mahirap lang tayo, basta masaya. agree ako sa kanya. kayo?

Oktubre 29, 2008

huling pangako

Filed under: Birit Ko,Seryus — kengkay @ 5:50 hapon

hirit ko sa wpp :)

marami tayong naging pangako. marami ring pangakong napako.

minsan kasi akala natin porket pabiro, hindi na pangako yun kundi biro na lang.

minsan naman, ang tadhana ang nagpapako sa atin.

katulad nung aking in laws na si oma at si opa.

unang nagkita sila sa isang carnival party nung 1940′s — ang sabi ni oma sa sarili nya nung makita nya si opa ‘para sa akin na ang mamang ito.’ at ang lakas ng loob nyang niyaya ang mamang ito na naging si opa nga. yun ang unang pangako na natupad naman.

nung natagpuang may cancer si opa nitong nakaraang buwan, sya naman ang nangako kay oma na babalik syang masigla pagkatapos ng kayang operasyon. ayun na nga, kahit na ang laki ng binuksan sa kanya at ang laki ng tahi nya dahil ang isa sa kanyang lung ang tinamaan ng cancer — masigla syang bumalik sa piling ni oma. pangakong natupad na naman.

nakapagcelebrate pa sila ng kanilang 60th wedding anniversary nitong agosto bago biglang nawala si oma dahil sa atake sa puso. sabi ni opa teka lang, babalik ako at kakanawan lang kita ng tsaa. pag akyat nya sa kwarto nila? wala na si oma. hinalikan ni opa ang malamig ng bangkay ni oma. sabi ni opa, sabi ko pagkakanaw kita ng tsaa e, pagbalik ako yun pala wala ka na.

patuloy na kwento ni opa habang hindi mapigil ang luha — ‘di ba nangako tayo sa isat isa na aabot tayo ng isang daang taon sa mundong ito? sabi mo pareho tayong tatanda? bakit isang saglit e nalimutan mo ang iyong pangako? di ba sabi ko sa yo uuwi akong walang sakit? pero bakit hindi mo sinabi na aalis ka rin pala agad?’

pangako…. minsan ang hirap balikan ang mga pangako.

kelan kayo huling nangako?

Oktubre 23, 2008

sinong kumalikot kay kengkay?

Filed under: Ano Nga Ulit Yon?,Seryus — kengkay @ 6:54 umaga

heheh, tanong lang po.

kasi nung mga oras na nagkaron ng trojan itong aking computer (salamat sa mga nagiwan ng tips — kirksydney, pao, gab, mangbadoy, jim etc.para mawala sya, mukhang maayos na naman sya e — sana!), oks pa naman itong aking site.

pero nung naayos ko na yung trojan, at ang una kong binuksan ay ang aking kengkay blog — napansin kong ang daming nagsulputang biglang incoming links. sempre naman na curious ako kasi wala naman akong napansin na ganon karaming naglink sa akin. nung pinuntahan ko yung mga links, wala naman silang talagalang links sa akin. normal posts lang meron sila at walang links to me. pero yung mga blogs na yon e mga blogs ng mga bloggers na kachika ko talaga kaya naman akala ko may chika din sila sa akin.

so sabi ko, curious yon. mukhang may gustong sumabotahe ng blog ko ah. sa loob loob ko lang yun ha. pero kasi malakas ang kutob ko na may hiwagang nangyari. kaya pinansin ko yung dashboard.

sempre paminsan-minsan, napapansin natin ang blog natin sa dashboard. sino naman ang hindi bumibisita dun para makita kung andun pangalan mo sa top wordpress blogs, top posts, growing blogs, etc. at sempre napapansin din natin yung ating mga stats di ba kung ilan bumisita, atbp.

napansin kong kahit na ang daming bumisita sa blog ko, mga dalawa, tatlo, heheh — hindi na ako pumapasok sa top posts, sa growing blogs o sa top blogs — wiz na si kengkay. nalaglag ang beauty ko. pero sabi ko naman, sempre magagaling naman talaga yung mga asa itaas ko. oks lang. siguro mas marami silang bisita.

pero ngayong araw na to, binisita ko mismo yung wordpress site kung saan nakalista ang mga blogs, top posts at kung ano pang anik anik — wala. hindi na po nakalista si kengkay. ako ay nalaglag. hindi na ako wordpress blogger, waaaaa.

imbisibol na si kengkay sa wordress! bakit nagkaganun?

sinong kumalikot kay kengkay? isa pa itong pangitain na nagsasabing itigil ko na ang pagba-blag? napagiisip isip ako… hmmm

Oktubre 20, 2008

papano ba magpasalamat?

Filed under: Kaibigan,Seryus — kengkay @ 6:30 hapon

hindi ko alam kung papano ako magpapasalamat, sa mga taong nag-iwan ng komento sa ‘dating sundalo’ at sa sumunod pang mga posts ko tungkol dito.

hindi pala homesickness ang kalaban ng mga taong asa abroad, meron pa palang mas malaking kalaban. kapag mawalan ng taong napakalapit sa puso mo. tapos hindi mo alam kung saan ilalagay ang sarili mo, kasi asa ibang kultura ka… at dun ka biglang mangangapa. bigla mong makikita kung gaano ka kakaiba sa kanila. kung papano mo haharapin ang kamatayan ng isang mahal mo sa buhay.

at ang pinakamahirap nito, hindi mo alam kung sino pagsasabihan mo. oo, andyan si kengkoy sa tabi ko. pero iba pa rin kasi sanay sya sa kultura nila e; pero sa kanya ko nakita, kung papano nya talaga kamahal ang nanay at tatay nya. kasi umiba sya sa tradisyon. imbes na iwan ang tatay nya para magpag-isa, andun sya parati sa tabi nito. sya ang lahat ng nag asikaso. at ang mas affected talaga ko, iyak ng iyak ang kengkoy ko. hanggang ngayon, iyak pa rin sya ng iyak. si opa? ayun, ganun din. iyak din ng iyak. basta may konting patungkol lang kay oma, iyak na si opa. kay kengkoy naman, basta patungkol sa nanay nya at sa tatay nyang asa hospital, ganun din.

mas iba ang dating kapag ang mga lalaki na ang bumibigay sa iyak e.

at ang mahirap para sa akin, maging matatag para sa pamilya ko. andyan ang mga little kengkays na ang daming tanong, andyan ang mga little kengkays na sa ibang paraan simisingit ang pag-intindi nila katulad ng mga kwento ni bunso ko na nakikita at nakakausap daw nya si oma.

pero sa totoo lang, ang tunay na nakatulong para sa akin, ang pagbalik-balik ko sa aking blog. nakatulong ng malaki ang pag-blog sa mga pangyayari. nakatulong ng husto ang mga naiwang komento sa aking blog.

papano kaya ako magpapasalamat sa mga taong nagiwan ng mga salitang nakatulong magbigay ng lakas sa akin? eto ililista ko kayong lahat… maraming salamat. hindi ko kayo malilimutan, pramis.

Sofie, vhonne,Thess,reyna elena ,mhar, MC, sonnetshaven, binx , R.J., Ces , pusa , utakmunggo , yhen , raft3r, kirksydney , tina , chochai , iris ,Taong Grasa , taps, sheilamarie, roni, gmac , Jim , Pao-Pao ,chuvaness , Neex , pepe21 , Gabriel , callcentergal , nuel jose, taroogs , nina ,kamotenista , wei vines ,eloizagerl ,Aling Peppay , callcentergal , Maldito ,MC ,Ces ,frostbite ,MFF , Beng , hisnameisdencios, Carol , anakngpiso , duskfading, lilay, bernardumali ,vhincent ,Simple Married Life
kung may nalimutan man ako, paki-kalabit po.
ang winner sa lahat ng nagiwan ng komento ang nagiwan ng mga katagang ito—’Kung malapit ka lang dito, asahan mo di ako uuwi hanggang matapos yan na.’ hay, salamat talaga sa mga kababayang bloggers, hindi nyo alam kung gaano kalaking tulong ang naibigay ninyo sa akin…

maraming salamat sa inyong lahat. kapag nanalo ako sa lotto, meron kayong balato :) ipaalala nyo lang na tumaya ako.

P.S. ginamit ko ang aking PC pagkatapos kung gawin ang dapat gawin para mawala ang lintek na trojan. kapag bukas e hindi ako nakapag-log on sa aking kengkay blog dahil may numakaw ng aking password, lintek lang ang walang ganti.

Oktubre 19, 2008

kapag namatay ako…

Filed under: Dito sa Amin,Seryus — kengkay @ 1:25 hapon

plis lang, sa pinas ako ililibing

sorry sa mga nakabasa nito, dahil kayo ang may responsableng maging totoo ang aking huling paalam :) kapag hindi yan natuloy, ehem.. abangan ang susunod na kabanata, hahaha. ayoko kasi ng turuan, ng iwanan sa ere at ng sabunutan dahil wala akong iniwang pasabi.

heniway, sinabi ko na yan kay kengkoy, at inulit ulit ko pa sa kanya. sa pinas ako ililibing. at kung masyadong mahal pamasahe ko dahil asa karton na ako (nakow, kahit sa balikbayan box, hahaha), pwede rin akong sunugin pero gusto ko ng may lamay. huwag masyadong mahal ang huling box na kalalagyan ko, basta matibay lang at hindi sa isang pala lang ng lupa ay bibigay agad.

at sa lamay na yon, gusto ko may videoke, gusto ko may bottomless drinks at salad bar at saka sisig, yum-yum. walang sakla, pero pwede kayong mag card games at bingo, wahahaha.

atsaka sa libing ko, gusto ko lahat ng taong darating may dalang white roses, kung saan yon ang itatapon sa hukay. at gusto ko may biruan, yung tipong parang may mahuhulog sa hukay, hehehe.. pero dapat hindi totoong mahulog kasi baka matapakan ako, kawawa naman si katawan ko.

sinabi ko kay kengkoy ang tradisyon sa atin kapag may namatay — yung may lamay, yung may pagkain at inumin, yung 24 hours bukas yung chapel o kaya asa bahay yung bangkay, yung tipong darating ang mga taong ang tagal ng di nakikita, yung nagkakabati ang mga magkaka-away, may mga palaruan, may mga inuman, may mga walang katapusang kwentuhan atsaka, hindi naiiwan ang mga naulila na mag isa.

alam nyo kung ano ang sabi nya? gusto daw nyang makaranas ng ganun. parang party daw. pero parang mas maganda.

dahil sa totoo lang, na culture shock ako sa mga pangyayari nitong mga nakaraang araw. ibang iba sila.

kinuha ang bangkay. dumating ang funeral parlor nung gabing iyon din. pinapili si opa, ang dating sundalo, kung anong gusto para kay oma, yung coffin, yung damit, yung blanket. tapos kinuha si oma. actually, ayaw pa ni opa na ibigay si oma kasi gusto pa nyang matulog sa tabi nito…

kinabukasan busy na kami. inayos yung obit sa diyaryo, yung araw ng libing (dito kasi ang city hall ang nagbibigay ng date), nagpaprint kami ng card na ipapadala sa mga kaibigang malayo sa amin at pinadala agad sa post office, dumating ang pari na magmimisa (nag interview ng tungkol kay oma para sa kanyang memorial service), nagkaron ng problema sa date para sa pari at sa araw ng libing (e kasi naman hindi nagtatanong),

at nagkaron ng problema sa cemetery plot dahil ang city hall e pinipilit kaming mag decide na i give up yung cemetery plot nung tatay at nanay ni oma dahil gusto nilang baguhin ang itsura ng cementeryo (lintek na mga aleman ito, nakita na ngang in grief ang pamilya e gusto pa kaming gaguhin, kasi sempre dahil naglulupasay ka pa sa iyak e pwede ka nilang papirmahin na lang), at sempre kabi kabilang tawagan sa telepono sa mga nalalapit na kamag anak at yung sis in law ko at ang kanyang asawa ay nakabakasyon at yung sister ni opa ay kasasakay lang ng bus para magbakasyon din at walang binigay na telepono kung papano sya mahahagilap.

at sempre, naiwan magisa si opa sa bahay matapos kunin si oma nung gabing iyon, alam nyo yon… kung sa atin yan, hindi maiiwan magisa si opa. pero dahil dito, naniniwala silang kaya ni opa yon… ayun. pero madaling araw na nung iniwan sya magisa at nakainom din ng tabletang pampakalma. pagod na pagod na kasi lahat talaga. kahit nga ako na naiwan sa  bahay, hindi rin ako nakatulog e.

tapos nung umaga na, ayan, nalaman naming natumba rin si opa sa banyo. hindi ko alam kung gaano ka grabe ang pagkatumba nya pero huli na ang pag sisisi —

aalis na kami, bibisitahin si opa at may pamisa din… hanggang sa sunod na kwento na lang

Naunang PahinaBagong Pahina »

Theme: Rubric. Sumulat ng Blog sa WordPress.com.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 71 other followers