Kwentong Kengkay

Pebrero 9, 2008

Kulam sa Pag-Ibig

img_0061.jpg Mga ka-blog, eto ang aking munting regalo para sa darating na Balentayms; medyo agahan ko na kasi nga baka malimutan ko pa syang i-share sa inyo bago kami mag fly away e.

Ang librong ‘Mga Panibagong Kulam sa Pag-Ibig’ na sinulat ni Tony Perez. Kakakilit ang taytol nya di ba? Mas nakakakiliti kapag binuksan nyo at sinumulan ang pagbabasa. Gusto nyong silipin?

Meron syang pahina ng tungkol sa paggamit ng librong ito. Bakit? Dahil may 52 kulam na pag-ibig na nilalaman ang librong ito. Kasama sa 24 ay tungkol sa ‘Mga Pangkalahatang Kulam sa Pag-ibig’; 28 ay ayon sa ‘Mga Kulam sa Pag-ibig na ang Layon ay Partikular na Tao, Kakilala Man o Hindi.’

O ayan, sigurado ko andami nyo ng tanong. Pero maraming kailangang gamit at mga dapat gawin. Hindi ko na iisa-isahin pero eto ang mga paunang kailangan: extra virgin olive oil, asin, altar. atbp; sa sarili dapat may kapayapaan at mabuting kalooban – kasi nga kulam ng pag ibig itong gagawin mo di ba?

Eto ang mga sumusunod na bahagi ng bawat kulam sa librong ito: Bilang at Pamagat, Mga Kasangkapan, Pagtatalaga ng mga Kasangkapan, Pagkokonsagra sa Magica ng Kasangkapan, Ritwal, Orasyon, Tala o Mga Tala. Ang daming dapat gawin di ba?

At eto ang sample ng mga kulam sa pag ibig:

Heart Box: Para Ibigin ka ng Tunay mong Minamahal
May Nalalabi Pang Mga Halik: Para magkatotoo ang mga kahilingan hinggil sa pag-ibig
Sa Bisperas ng mga Araw ng Puso: Para magkaon ng manliligaw
First Aid Para sa Pag ibig: Para pagalingin ang sugatang puso

Nung una kong binuklat itong librong ito, medyo na curious ako. Tapos medyo nag alinlangan. Pero ngayon, wala lang, isa lamang syang libro na may kakaibang paksa. Kayo, ano sa tingin nyo?

O ayan lang muna, kung may gusto kayong itanong; bulong nyo lang. Kung gusto nyong itanong kung ginamit ko itong librong ito kay kengkoy, ang sagot ko kay hindi. Nakulam ko na si kengkoy nakasal na kasi nung may nagregalo nitong librong ito sa akin e. Binabasa ko lang ng pa-unti unti itong librong ito kapag naka-upo ako at doing my private business, eksyus me :D

Pebrero 6, 2008

Walong araw na lang

Uy oo, walong araw na lang. Mabibilang na sa mga daliri. As in, wan, tu, tri, por, payb, seks, sebe, eyt — malapit na ang Balentayms Day. O weno ngayon kung balentayms day? E kasi yung araw na yun din ang aming big date. Ang aming paglipad sa Asya, weeeee!

Eroplano, here we come. Napapakanta na ako ng ‘leaving on a jetplane; but i dont wanna think when we would be back again.’ Yun lang kasi di pa packed ang bags namin e. Hindi pa ako nagsisimulang mag empake. Hindi pa tapos ang listahan ko ng dapat dalhin. Eksample ng mga dapat dalhin: anti-kuto treatment shampoo, anti moskito spray, anti-sunburn cream, anti-empacho medicine, anti-bukol cold cream, anti-anting, hehehe… Sa sobrang dami ng anti na yan, sigurado meron kaming makakalimutan. Ilang beses na akong pabalik balik sa doctor para humingi ng reseta para libre yung mga anti treatment na yan sa parmasya. Ilang beses na rin akong tinurukan ng kung anong anti-malaria, anti-hepa, etc — kasi daw matagal na ako dito sa oyropa; hindi na raw flawless na raw ang aking katawan.

Hindi na raw ako pwedeng kumain ng isaw sa kanto, hindi na raw ako pwedeng kumain ng biko sa mga dumaraang sumisigaw ng ‘gastos’, hindi na raw ako pwedeng makipila sa halo-halo, hindi na raw ako pwedeng magsawsaw ng bagoong sa manggang binalatan ni manong, at kung ano ano pang kasarapan na binagbabawal sa akin. Sa tingin ko, hindi na ako dapat mainggit kay kengkoy; kasi isip ko pa lang kung ano ang hindi ko dapat kainin e feeling ko pumapayat na ako. Pero sa tingin nyo susundin ko ang mga payo ng mga doktor dito? E para ke pang gumastos kami sa injection na yon; para ke pang bitbitin ko yung mga anti-treatments namin?

Sempre, pipigilan ko. Pero pag asa Pinas na ako, ano pa magagawa ko? Kainan naaaa.

Pebrero 5, 2008

Inggit ako kay Kengkoy

Si Kengkoy lost more than 2 kilos!!!!! Successful ang diet at exercises ni kengkoy ha. Nagsimula sya nung huling araw ng Disyembre sa ganitong regimen at nung Sabado e nakita nya ang resulta… he lost weight. Arrrgh. E ako kaya? Hindi ko alam kasi tagal ko ng hindi bumibisita sa aming kiluhan, hehehe.

Ano ginawa ni Kengkoy? Hindi na ganon karami kung kumain lalo na sa gabi. At kung kumain man sya, mas makulay ang pagkain nya dahil sa gulay. Tapos at least 3 times a week e nag jojogging sya; kundi man stationary bike for more than 30 mins. At alam nyo kung ano ang pinaka-dahilan kung bakit ang sipag nyang gawin ito? Kasi naranasan nya yung nangyari nung bagong taon. Imagine, imbes na mag-celebrate kami e itinakbo sya sa hospital. Mataginting na wake up call talaga yon.

At ano pa ang ibang pwedeng dahilan? Kasi magbabakasyon kami sa Pinas. Alam ni Kengkoy kung ano ang ibig sabihin non: kain, kain, kain, kain… reunion dito, reunion don; ngayon dagdag pa, EB dito, EB don! Ang mahirap pa nito, ang tambayan namin e ang swimming pool at sempre kapag asa beach kami, sa tabing dagat. Kakahiya naman sa madlang tao kung naka swimming suit ka tapos bundat na bundat ang emote, hehehe!!

Ngayon wag nyo na tanungin kung si Kengkay e nag loose weight. Basta ang alam ko, kasya pa rin yung bikini ko. Yun nga lang, umalon ang mga bilbil ko, hahahah. Weno nga yun? Basta ang alam ko masarap manginain sa Pinas. Atsaka na ang diet diet, di ba? Atsaka sigurado ko, pagbuhat buhat pa lang nung mga bagahe namin e mawawala agad ang mga taba taba ko. Ano sey nyo :D

Enero 30, 2008

Guest si Kengkay sa Usapang Pinoy Radio Show

At dahil na insecure ako ever sa chismisang nangyari sa ere kina Reyna Elena at Dr. Joy at sa mga aliping sagigilid habang ako ay walang malay nag nag-aaruga ang aming special honorable guests sa bahay… pinagpilitan ko ang sarili ko na maging dakilang panauhin din sa sa Usapang Pinoy sa Future Radio UK. Habang nagpapainit ako ng tubig para ibuhos sa Lucky Me Bulalo Soup ko ay nagbobolahan kami ni Joy sa telepono at biglang meron akong karapatan biglang mag guest sa kanyang radio show, wohhhhhooo.

Kaya bilib ako sa aking motto e ‘dream the impossible coz impossible dreams do come true’ — well, hindi ako nananaginip; at hindi rin ako natutulog ng gising at hindi ako nang-ookray (wala lang, bagong salita na nakakakiliting isulat). That impossible dream would be coming true as I would be the guest at the pinakasikat ever na radio show sa buong Oyropa, Usapang Pinoy, this coming Saturday, 02 February at 3 pm UK time, 11 pm Manila time, 4 pm German time at kung ano man time meron kayo sa inyong sulok ng mundo, pwede paki kompyut-kompyut na lang, hehehe…

Basta i-click nyo lang itong Future Radio UK . Pwedeng makinig lang kayo, pero mas masarap kung maki-chika tayong lahat sa pamamagitan ng pag-click ng Studio Messenger na matatagpuan sa may bandang itaas ng website, at pwedeng mag phone in question. Basta wag lang mahirap at walang kinalaman sa matematika ha, hahaha.

Oo, si Kengkay ang panauhin sa Usapang Pinoy eto nga ang konting chika:

Anyway, it’s official mga kabisyo! The Queen of Buckingham Palace had requested that the Queen of Vacklingham Palace be allowed on the Brit Airwaves once again, together one another for the second time around once more forever to make Prince Harry happy. And so, Future Radio UK has officially invited the stunning me and me alone, to guest the uber super ever ever Usapang Pinoy Show of the beautiful Dr. Joy Barredo who only beat me by one shower and one and half bath soap. Join us on February 16, 2008 at Future Radio UK, 96.5 FM.

Ooops, ayan, napansin tuloy na nangongopya lang ako, ahahahaha. Si Reyna Elena ang bulaklaking guest sa Feb. 16 at si kengkay naman ang makabagbagdamdaming makakapanayam ni Joy ngayong darating na Sabado, 02 February. Ano daw ang pag-uusapan natin? Ang buhay buhay ng mga Pinoy sa loob at labas ng Pinas at kung ano ang maitutulong natin para sa ating bansa… actually ako lang nagsabi nyang mga topics na yan para naman hindi ako masyadong mabulag-pipi-at bingi sa mga oras na yon, hahaha.

Okay, magshopping muna ako ng trahe de boda para sa Sabado (oops, radio nga pala yon, haha) at ihahanda ko muna ang kweba kung saan ko itatago ang mga little kengkays at si kengkoy sa Sabado. Kasi kung hindi, hiyawan lang ng mga anak ko at malulutong na halakhak lang ni kengkoy ang maririnig nyo :D Basta ha, kita kits tayo sa Sabado, ika-2 ng Pebrero at 3 pm UK time sa Future Radio UK . Sige na, makinig na kayo. Plis lang, pramis, kakaway-kawayan ko kayo habang nasa ere na ako.

Okay, alis muna ako. Mag-iipon muna ako ng maraming inglis at tagalog at medyo kakalimutan ko muna ang aking aleman.

Gubat, Sorsogon

Hay bohey. Alam nyo bang hanggang ngayon e umiikot pa rin ang pwet ko dahil hindi pa rin ako makapag desisyon kung saang dagat kami mamalagi nitong mga little kengkays ko habang asa Pinas kami?

Mahirap talaga ang may lahing sirena at siyokoy e… kailangan parati sa may malapit sa dagat. So ngayon naman, lalong nilito ako ng aking kapatid kasi daw meron daw magandang dagat sa Bicol at libre pa daw. Kasi meron daw silang summer housessssss — o andaming sss nyang bahay na yan kasi isang buong compound yan ng mga bahay kubo na pinagawa nung papa in law nya para sa buong pamilya. Para walang siksikan kapag holy week, kapag nagbalikan ang mga daga sa lungga. At sempre, libre ang beach. Sobrang ganda daw at lalo pa dahil natural na natural ang dating nya.

Edi naghalunggkat naman ako sa internet agad. O ayun, naloka na naman ako sa mga sobrang updated na local websites sa Pinas. Sobrang dami kong nalaman, yun nga lang, hindi yung dapat at nais kong malaman… Kaka frustrate talaga. Halos walang government website at mangilan ngilan lang ang tourist websites sa Pinas na updated, hayyy ulit. Pero mukhang maganda daw itong Gubat, Sorsogon e. Ayon dun sa mga sites na nagbanggit dito. At sempre yung mga litrato na nakita ko..kaya lang halos panay kaway kaway ang mga tao kaya hindi ko maaninag yung ganda ng beach e. Tapos may Rizal Beach pa at sempre maraming pwedeng ikutin dun. Talagang okay dun magbakasyon.

Ngayon lang, kailangan kong kumbinsihin si kengkoy. Kasi kahit libre yung bahay at yung beach; merong hindi gusto dun si kengkoy ko e. Kasi kapag bakasyon daw, dapat bakasyon. Walang dapat magluto, maglinis ng bahay, magwalis, maglaba, magplantsa, at kung ano pang normal na ginagawa kapag asa balay tayo. In short, dapat magpa reyna at haring tagigilid ang drama namin. E sabi ko sempre kapag asa bahay dapat may magluto — ay, biglang wag na daw. Bawal daw magluto kahit si nanay at tatay ko. E sabi ko maganda yung beach tapos libre yung bahay… hindi kumbinsido. Sa tingin ko natatakot sya na biglang sya ang magluto; katulad ng nangyayari sa bahay namin, hahaha… E dapat nga syang matakot kung ganon :D

Pero maganda nga ba sa Rizal Beach sa Sorsogon?

Naunang PahinaBagong Pahina »

Theme: Rubric. Sumulat ng Blog sa WordPress.com.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 71 other followers