Sa dami ng binisitang kong blogs ngayong bagong taon e karamihan sa kanila may listahan ng kanilang new year’s resolution. Ako, isang beses lang yata ako nagkaron ng new year’s resolution at super duper demanding naman nung aking listahan. Sempre hindi ko nasunod. Ayun, nawalan ako ng ganang maglista ulit, pero ngayong taong ito, ginanahan ako.
Kasi may kapartner ako sa aking new year’s resolution, si kengkoy. Halos pareho kami ng listahan: work out at healthy and regulated eating habits. Sa totoo lang, ngayong taon lang talaga ako nagkakain ng gulay. As in lahat na yata ng kulay ng gulay ay nginata ko na rin. Dati kasi as in ayaw ko ng gulay. Kapag nakakita ako ng kulay pula o kaya berde sa mga pansit, talagang ina-ani ko sila. Pero pa unti unti e nakikain na rin ako. At lalong nanginain ako nung nabuntis ako sa mga little kengkays. Pikit mata, kahit na kasuka suka
Pero masarap naman pala. Ngayon, hindi na ako makakain ng walang gulay. Kailangan ko na rin ng kulay sa aking buhay, o di ba. Parang commercial yata yon ah.
Hmm, atsaka preparing na rin kami sa pag uwi sa Pinas. Alam nyo naman, eating binges ang drama dun. At parang gusto kong iwan ang aking control dito sa Alemanya, hehe. Gusto kong lumafang!!
Heniway, ano pang dagdag dun sa aking lista? Mag aaral na ako kung papano ko pakantahin itong aking gitara. Kasi naman halos dalawang taon na itong nakatago lang sa madilim na parte ng aming aparador. Regalo ko sya sa sarili ko kasi nung mga araw na batong bato na si kengkay (hindi ko pa na discover nun ang blogging!). Gusto kong mag aral mag gitara, sabi ko (kung na discover ko kaya ang blogging, binili ko kaya sarili ko ng gitara, huh). Pero hindi pa rin nagawa kasi walang oras. E ngayon, mukhang magiging ka partner ko si panganay ko sa pag aaral ng gitara. Matutuloy na rin, yipee!
Eto pang isang hindi ko alam kung idagdag ko sya sa listahan ko — ang magkaron ng lakas ng loob na mag drive mag isa sa autobahn dito. Nyay, takot kasi akong makalaban ang mga malalaking trucks at yung mga rumaragasang Porsche, Ferrari, Lamborghini, etc. Kasi naman walang speed limit dito halos e, tapos pa libre ang autobahn kaya lahat ng kotse at truck na naglalagalag sa Oyropa ay sa Alemanya nakikiraan. Sa ngayon ay dito lang ako sa loob loob ng mga mumunting siyudad. At kapag sa malalaking nakakaligaw na siyudad na, may I ride ako ng bus at tren, hehehe. Takot ako e!
Update: Ay, tag pala ito. Katatapos ko lang nitong post ng maisipan kong bisitahin si diwatangbyaning at nabasa kong ni tag pala nya ako kung anong new year’s resolution ko, ayos, may sagot agad, hehehe.